Wednesday, July 16, 2014

Habang tayo ay pauwi, sila naman ay papasok

COMMAND CENTER. Binisita ng Commander ang Command Center ng Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office. Baptism of fire ito ng Command Center ... unang disaster na high-tech na ang gamit nila Tin Roxas at Dr. Val Barcinal.

Hindi maalis sa kanila na mag-alala. Iniwan nila ang kanilang pamilya sa kasagsagan ng isang bagyo na maaring ikapahamak ng kanilang mga mahal sa buhay. Kay hirap, lalo na para sa isang padre de pamilya, na wala sa bahay para sa kanyang pamilya sa oras ng peligro. Lalo na palapit na ang isang bagyong direktang tatama sa Metro Manila.

Sino ang magbibigay ng lakas ng loob sa mga takot na bata? Sino ang mangunguna sa pagtaas ng mga gamit? Sino magdedesisyon pag kritikal na ang situwasyon? Sino ang gagabay sa paglikas? Sino ang poprotekta sa kanilang pamilya? Sino ang magbabantay sa mga gamit na naiwan sa bahay?

Sa panahon na kritikal ang pagiging buo ng isang pamilya, ay siya namang panahon na kailangan nilang iwanan ito para magsilbi sa bayan.

Marami sa kanila, hindi kilala, tila mga walang pangalan na di maaalala kapag tapos na ang peligro. Iilan lang silang nagsasakripisyo para ang karamihan sa atin ay makatulog ng mahimbing. Iilan lang sila na iiwanan ang pamilya sa oras na pinakakailangan sila nito.

Habang milyun-milyon sa atin ang magka-akap sa kaligtasan ng ating mga pamilya at proteksyon ng ating mga kabahayan, iilan lang ang mga bayaning ito na mag-isang basang-basa at nanginginig sa lamig habang nakabilad sa panganib at posibleng sakuna.

Sila ang mga operatiba ng bawat lungsod, munisipyo, at ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa disaster at relief operations. Sila ang bantay sa ilog, ang operator ng pumping station, ang driver ng mga rescue vehicles, ang mga tao sa Central Command Center, ang mga nagtatrapik sa lansangan, ang mga sundalo at pulis na naka-antabay, ang naghahanda at nagluluto ng mga kakainin sa magdamag, ang mga tao sa evacuation centers, at marami pang iba.

Kasama din diyan ang ating mga kasama sa media na linalagare ang mga assignments na itinatawag sa kanila ng newsdesk na hindi iniisip ang sariling kapakanan.

Ngayon na panandaliang dumaan ang panganib dulot ng bagyo, mainam sana na hanapan natin ng paraan kung paano natin pasasalamatan ang mga bayaning ito – na itinaya ang kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay para makasama ng karamihan ang kanilang pamilya sa mga pinaka-kritikal na oras ng bagyo.


Maraming salamat po.


SELFLESS PUBLIC SERVANTS. Yung ibang puno ay agarang napuputol at naliligpit nila. Pero yung nabuwal na puno sa mismong bahay nila ay di nila maalis kaagad.
BOODLE FIGHT. Iba talaga pag si Mayor DEL pa ang dumalaw para pasalamatan ang mga nag-duty sa gabi ng lagim. Morale boosting talaga. Kasama pa si John Consulta ng GMA News.
ON DUTY. Volunteers, MSO personnel, Batang Coop, atbp. handang tumulong sa mga lumikas naming kababayan.
COMFORTER. Libreng panlatag sa sahig ng mga evacuation centers.
REAL-LIFE FARMVILLE. Imbes na Facebook at Farmville ay ang kapwa ang inaatupag ng mga batang ito.
BUKSAN ANG AGAHAN. Ang dami-daming lata ng mackerel ang kailangang buksan para makakain ng mainit na agahan ang ating mga kababayan.
BIG SERVINGS. Mahirap magluto para sa libu-libong evacuees.
AKSYON AGAD. Ang tulin magresponde ng Barangay Nangka. Ganun din ang ibang barangays. Palibhasa, sanay sa trabaho at agarang aksyon.
CLEAN UP. Pagkatapos ng unos, balik sa pagiging malinis ang Marikina.

No comments: